Wednesday, May 25, 2011

'Wag kang sasakay ng Jeep kung...



Jeepney -- isa sa mga pinaka common na sinasakyan ng masang Pinoy. Ito'y hango sa military jeep ng Amerika na iniwan sa bansa matapos ang gera. Pininturahan ng makukulay at sinabitan ng kung anu-anong dekorasyon bilang tanda na ang sasakyan ay hindi na gamit pang digmaan kundi gamit pampubliko.

Sa mura ng pasahe at sa dami ng bilang ng Jeepney na naglipana sa kakalsadahan ng Maynila, talaga nga namang tatangkilikin ito ng mga masang Pinoy.Ngunit kahit napakapayak ng pagsakay sa sasakyan ito - pumara, magbayad, at pumara ulit - may mga ilang bagay na dapat kang isa alang alang. Ito ay kadalasan hindi para sa iyong kapakanan, pero para din sa katiwasayan ng inyong byahe pati na ng iyong makakatabi sa byahe.

Mga invisible rules sa pag sakay ng pambansang transportasyon.

1.) Una sa lahat kung may mag-aabot ng bayad gawin ang pinaka malimit na akto ng pagkakawang gawa, iabot ang bayad. Kung matagal ka ng suki ng pampasaherong sasakyan na 'toh siguro ay naka-saksi ka na ng ganito. Kung saan may isang pasahero na animo'y may nakaharang sa magkabilang gilid ng mga mata at may earplugs sa tenga at hindi madinig ang sinambit ng katabi na 'paabot po..' Hindi mo alam kung bingi o nagbibingi bingihan. O talagang tamad lang mag-abot. Kung ganito ka, please lang wag kang sumakay ng jeep! Meron din namang nag-aabot pero may halong pagdadabog at radam mo ang labag sa kalooban nyang pagabot sa iyong sukli. (salamat ha?!)

2.) Ang pagtulog sa jeep. Alam kong lahat ng tao ay aabutan at aabutan ng antok sa loob ng jeep lalo na kung pagod, trapik, at puyat. Ngunit ang katabi mo ay hindi isang kuchon o sandalan para iyong sandalan. Nagbayad yan ng tamang pasahe kagaya mo at may karapatang pantao din. Kaya kung maaari piliting hindi makatulog sa loob ng jeep.

3.) Umupo ng wasto. May mga pasahero na akala mo magkagalit ang dalawang hita sa sobrang pagkakabukaka sa jeep. Kadalasan ito sa mga lalake. Ano bang maiipit pag sinara nyo ng kaunti yang mga hita nyo?! Meron din namang parang maniniko na dahil ang kamay ay nakasukbit sa harapan ng ibang tao na animo'y walang katabi. Kung ikaw ang katabi nito matatakot ka para sa iyong sarili dahil baka sa isang biglaang hinto lang ni manong drayber e masiko ka na ng iyong katabi. At syempre ang pinaka-popular sa lahat ay ang mga umuupo ng patagilid para tumingin sa bintana. Una sa lahat sana kung walang pasahero, eh kaso punong puno ang jeep. At pangalawa ano bang meron sa bintana at kelangan naka-harap ka dyan?! Sikip na sikip ang mga tao sa linya mo na halos mahulog na sa kinakaupuan samantalang ikaw sitting-prety sa iyong pwesto with matching hangin effect pa na galing sa bintanang kanina mo pa dinudungaw! (Malapit na kitang isumbong kay Bonggang Bonggang BongBong sa Bubble Gang)

4.) At *ehem* manong drayber hindi ka makakalusot sa akin. Sa laki ng karatula at sticker na nakapaskil sa jeep mo, minsan hindi lang isa kundi dalawa, nagagawa mo pang magyosi sa loob ng jeep mo. Sana kung ikaw ang lumalanghap ng lahat ng buga mong usok galing sa yosi mo!

5.) Ang huli namang ito ay hindi pagpuna kung babala sa lahat. Kung may sakit sa puso at nerbyoso, magdalawang isip ka muna kung susubukang bang sumakay ng jeep. Dahil kadalasan, lalo na sa jeep na may rutang Commonwealth Avenue, galit sa mga preno ang mga drayber nito. Hihinto kung saan-saan at may naiitatagong pangarap pa yatang maging action star dahil kung maka-car scene pasok na pasok sa panlasa ni direk.